Paano na si Pepe Pacheco? Campaign jingle na bastos, bawal gamitin sa kampanya—Comelec

Pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato na isang ground for disqualification ang paggamit ng mga campaign jingle na bastos at nakaka-insulto kaya inabisuhan ng komisyon na itigil na ang pagpapatugtog nito.

Binalaan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na maaari silang ma-diskwalipika sa paggamit ng mga campaign jingle na hindi sensitibo sa kasarian.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Comelec chairman George Garcia na alam na ng komisyon na may mga kandidato na gumagamit ng campaign jingle na may lyrics na bastos at nakaka-insulto, tulad ng isang kandidato na taga Nueva Ecija.

Sasampahan ng kaso ang naturang kandidato kapag ipinagpatuloy pa nito ang paggamit sa campaign jingle sa loob ng linggo, ayon kay Garcia.

“Tayo ay aware doon sa mga ilang gumagamit na hindi sensitive, ‘yung gender-sensitive. Meron kasing mga nangangampanya na gagawa ng mga jingle, na kahit na anong tingin, kahit anong basa, kapag narinig ng mga kabataan at mga bata, pangit sa pandinig eh. May gumagamit nang parang bastos,” ani Garcia.

“Maaaring nakakatuwa o ‘yun ang paraan nila to catch the attention ng publiko o ng mga botante, but we must always be gender-sensitive. Ibig sabihin no’n, ay alam natin, kinakailangan, hindi ito nakakabastos lalo na sa ibang kasarian. Therefore, ito ay babala sa kanila—sana ‘wag na nila i-play ‘yun at itigil na nila,” dagdag pa niya.

Halos umabot sa 7,000 na kandidato ang pinagpapaliwanag para sa umanong premature campaigning, at 200 naman doon ang humaharap sa mga disqualification cases, ayon kay Garcia.

Mayroong 10 na kandidato naman ang nahaharap sa disqualification case kaugnay sa vote buying.

Sinabi ni Garcia na lalabas ngayong linggo ang mga desisyon ng Comelec sa mga naturang kaso.