Paano na lang ang commuter? Transport groups, kokontrahin si PBBM sa PUV modernization hanggang sa dulo ng walang hanggan!

Kasalukuyang nagsasagawa ng protesta ang MANIBELA at PISTON ng dalawang-linggong transport strike sa buong bansa na tatagal hanggang Disyembre 29 upang tutulan ang PUV modernization program.

Umaasa pa ang transport group na MANIBELA na magbabago ang isip ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpapatupad nito ng consolidation ng mga operator ng pampublikong sasakyan na itinakda sa Disyembre 31, 2023.

Sa isang panayam, sinabi ni MANIBELA chair Mar Valbuena na karamihan sa kanilang hanay ang hindi pa rin sumunod sa alituntunin ng PUV modernization program, at tanging 20% pa lang ang nakakatupad.

“Kahit na alam natin na ang Pangulo na ang nagsalita, umaasa tayo na bago matapos ang taon ay magkaron siya ng puso at magkaron ng awa dito sa mga mawawalan ng trabaho na mga drivers at operators,” ani Valbuena.

Una nang nanindigan ang Pangulong Marcos na walang ipatutupad na pagpapalawig ng deadline sa consolidation, matapos magbigay ng commitment ang 70% ng mga operator na tutupad sa panuntunan na magsama-sama.

Noong nakalipas na linggo, nagtungo ang MANIBELA at iba pang grupo sa Korte Suprema para hilingin ang pagpapatigil sa implementasyon ng PUV modernization program.

Umaasa si Valbuena na pakikinggan ng Korte ang hiling ng mga drayber at operator sa pamamagitan ng pagpapalabas ng temporary restraining order laban sa programa bago matapos ang taon.

“Kung hindi man talaga tayo mapagbibigyan [ng Pangulo], umaasa tayo sa Supreme Court. Kung hindi pa rin tayo mapakinggan pati ng Supreme Court ay ayun ay paguusapan pa namin,” aniya.

“Ang nakikita ko rito, bukod sa transport crisis, ay sunod-sunod na protesta ito,” dagdag pa ni Valbuena.

Kasalukuyang nagsasagawa ng protesta ang MANIBELA at PISTON ng dalawang-linggong transport strike sa buong bansa na tatagal hanggang Disyembre 29 upang tutulan ang PUV modernization program.