Paano na ang mga maralitang mag-aaral? Senior High School sa mga SUC at LUC, pinatatanggal na ng CHED

Pinahihinto na ng Commission on Higher Education ang Senior High School (SHS) Program ng mga State Universities and Colleges at Local Universities and Colleges dahil wala na diumanong ligal na basehan para ipagpatuloy ito.

Inanunsiyo ng Commission on Higher Education (CHED) na ititigal na ng mga State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs) ang kanilang mga Senior High School (SHS) Program.

Ayon kay CHED Chairman J. Prospero de Vera III, naglabas na ang ahensiya ng memorandum na inaatasan ang mga SUC at LUC na itigal na ang kanilang mga programa para sa senior high school.

Ani de Vera, ang nasabing memorandum ay nakahanay sa CMO Nos. 32 and 33 series of 2015 and 2016. Paliwanag pa niya, ang naturang programa ay “limited to the K-12 transition period” lamang—o simula School Year (SY) 2016–2017 hanggang SY 2020–2021.

Tatanggalin na rin ang Government Assistance to Students and Teachers in Private Education na binibigay ng mga SUC and LUC.

Nilinaw naman ni de Vera na mabibigyan pa rin ng tulong ang mga mag-aaral na Grade 12 na sa SY 2023–2024 upang makumpleto na nila ang kanilang basic education.

Giit pa ni de Vera, wala ng ligal na basehan pa para pondohan ng mga SUC at LUC ang senior high school program.