Paano na ang ayuda? Exemption sa election ban ng cash aid para sa rice retailers hinihirit ng DSWD sa Comelec

Hinimok ng DSWD ang Comelec na i-exempt sa poll ban ang cash aid sa mga rice retailers.

Maaaring magkaaberya ang pagbibigay ng ayuda sa mga rice retailers kung pagbabasehan ang Resolution No. 10944 ng Commission on Elections (Comelec) noong Agosto 9 na nagbabawal sa pag-release, pagbibigay, at paggamit ng public funds na nakalaan sa social services and development.

Kaya naman nanawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Comelec na i-exempt sa nasabing resolusyon ang pamimigay ng pamahalaan ng financial aid sa mga rice retailers na maaapektuhan ng price ceiling sa presyon ng bigas.

“We have applied for an exemption in the eventuality na may mga (of) unforeseen circumstances that will cause some delays,” pagtitiyak ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian sa isang press briefing. “Nananalig kami na mabibigyan kami ng exemption but we cannot preempt the good Comelec from saying na mabibigyan kami.”

Sinabi rin ni Gatchalian na target ng DSWD na tapusin ang pamimigay ng ayuda sa Setyembre 14 ayon na rin sa direktibo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tapusin ang programa sa lalong madaling panahon.