Paalam at salamat! Mali, bukod-tanging elepante ng Pilipinas, pumanaw na

Dumating sa Pilipinas si Mali noong 1977, at inihandog kay dating unang ginang Imelda Marcos. Nanuluyan ang elepante sa Manila Zoo kung saan siya naging isang pangunahing atraksyon sa libu-libong mga kabataan at mag-aaral.

Pumanaw na si Mali, ang kaisa-isang elepante sa Pilipinas noong Martes ng hapon, Nobyembre 28, ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna.

Kinumpirma ni Lacuna ang balita sa kanyang Facebook page kung saan ikinalungkot ng opisyal ang pagkamatay ng isa sa pinakatanyag na atraksyon sa Manila Zoo kung saan nakatira si Mali.

“To our fellow Manilans and fellow Filipinos, I am sorry to inform you of the passing of our beloved Vishwamali, better known as Mali,” ani Lacuna sa isang video message.

Tinutukoy pa ang sanhi ng pagkamatay ni Mali sa pamamagitan ng isang necropsy na isinasagawa ng Manila city government.

Ipinanganak si Mali sa Sri Lanka noong 1974 at dumating sa Pilipinas noong 1977 nang ihandog ito sa dating unang ginang Imelda Marcos. Simula noon, nanirahan na si Mali sa Manila Zoo.