P35k na ipon, nilamon lang ng anay!

Lubos na panghihinayang ang naramdaman ng isang babae matapos kainin ng anay ang inipon nitong nasa tinatayang P35,000.

Lubos na panghihinayang ang naramdaman ng isang babae matapos kainin ng anay ang inipon nitong nasa tinatayang P35,000.

Kwento ni Sherell Ampong mula sa Governor Generoso, Davao Oriental, nakatago sa alkansyang gawa sa karton ang kanyang inipong pera. Aniya, nakalagay ang alkansya sa cabinet kasama ang mga damit.

“Nagtaka na lang ako na ang ibang damit ko puro anay na at ang alkansya ko, napakarami nang anay. Inubos nito ang mga pera ko,” sa panayam kay Sherell.

Inipon ni Sherell ang pera simula Enero 2023 na galing sa tira-tirang kita sa kanyang pagba-barbeque. Nitong May 19 niya lamang natuklasan ang nangyari sa ipon.

Gagamitin sana ni Sherell ang pera upang makabili ng laptop at cellphone ng kanyang dalawang anak na nasa college at senior high na.

Maaari pa namang mapalitan sa Bangko Sentral ng Pilipinas ang sira-sirang perang papel basta hindi bababa sa 3/5 ng orihinal na sukat ng salapi ang natitirang itsura ng pera. Hinimok naman ng ahensya ang publiko na ideposito sa bangko ang mga ipong pera.