P27-B COVID allowance ng health workers, ilalabas ng DBM

Tinupad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangakong ibigay na ang Health Emergency Allowance (HEA) ng mga hindi pa nababayarang healthcare workers noong panahon ng pandemya.

Tinupad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangakong ibigay na ang Health Emergency Allowance (HEA) ng mga hindi pa nababayarang healthcare workers noong panahon ng pandemya.

Ito ay matapos aprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pamamahagi ng P27.453 bilyong pondo para sa HEA ng mga healthcare and non-health workers ngayong Hulyo 5.

Ayon kay Budget Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman, noong Mayo pa hiniling ng Department of Health (DOH) ang Special Allotment Release Order (SARO) at ang Notice of Cash Allocation (NCA) ng dagdag pondo para sa emergency allowance.

Dagdag niya, mababayaran nito ang 5,039,926 benepisyaryo ng unpaid HEA at 4,283 COVID-19 Sickness and Death Compensation Claims ng mga kwalipikadong healthcare at non-health workers.

“Bilang pagtupad po sa direktiba ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos, we will release the additional P27 billion requested by DOH for the settlement of unpaid HEA claims of our healthcare workers by Friday, July 5, 2024. This is a promise fulfilled. Kahit sa 2025 pa ito hinihiling ng DOH, sinikap po ng DBM na mas maaga itong tuparin, dahil deserve po ito ng ating mga manggagawa sa health sector,” ani Secretary Pangandaman.