P2 trilyon ambag ng turismo sa ekonomiya noong 2023 – PBBM

Aabot sa P2.09 trilyon ang naging ambag ng turismo sa ekonomiya ng bansa noong 2023.

Aabot sa P2.09 trilyon ang naging ambag ng turismo sa ekonomiya ng bansa noong 2023.

Sa talumpati ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagbubukas ng 36th Joint Meeting ng United Nations Tourism Commission for East Asia and the Pacific sa Cebu, sinabi nito na mas mataas ng 48 porsyento ang nagging ambag ng turismo noong 2023 kumpara sa P1.41 trilyong Tourism Direct Gross Value Added (TDGVA) na naitala noong 2022.

Nangangahulugan ito ayon kay Pangulong Marcos ng 8.6 porsyento sa Gross Domestic Product (GDP) o US$35 bilyon.

Ayon kay Pangulong Marcos, nakabibilib ang 2023 TDGVA dahil ito ang pinakamataas na record mula noong taong 2000.

Hindi maikakaila ayon sa Pangulo na mahalaga ang papel na ginagampanan ng turismo sa ekonomiya ng bansa.

Nabatid na nalagpasan ng Department of Tourism ang 4.8 milyong target na turista noong 2023 nang pumalo sa 5.45 milyong international tourists ang dumayo sa Pilipinas.

Nasa 2.9 milyong international tourists naman ang naitala sa Pilipinas mula Enero hanggang Marso 2024.

“These highlight the robust recovery and continued appeal of our country as a top travel destination,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“But going beyond monetary values and numbers, these figures also mean millions of lives being changed for the better,” dagdag ng Pangulo.