P1.6M shabu nakumpiska sa buy-bust sa QC

Nasamsam ng awtoridad ang kabuuang P1,632,000 halaga ng shabu sa ginanap na isang buy-bust operation sa Quezon City noong Biyernes, Mayo 17.

Nasamsam ng awtoridad ang kabuuang P1,632,000 halaga ng shabu sa ginanap na isang buy-bust operation sa Quezon City noong Biyernes, Mayo 17.

Pinangunahan ng operatiba mula PS 15 at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang naturang operasyon.

Dito, nadakip nila ang suspek na si Ricardo Dominique, 21 taong gulang, na residente ng Barangay Bahay Toro sa naturang lugar.

Base sa ulat ng awtoridad, agad silang nagkasa ng operasyon matapos nilang makatanggap ng impormasyon mula sa isang informant tungkol sa kanyang mga aktibidad sa pagtutulak ng droga.

Nakuha mula sa kanya ang 240 gramo ng shabu, isang belt bag, at ang perang ginamit sa buy-bust.

Sa ngayon, nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Dominique.