OWWA-Bicol, handa magbigay ng tulong sa mga Bikolanong uuwi mula Israel

Ayon sa ahensya, nasa 568 na OFW mula Bicol ang rehistrado nilang miyembro, at kasado na ang mga tulong na ipapaabot sa kanila sakaling magpasya ito na umuwi bunsod ng kaguluhan.

ALBAY – Nakahanda na ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Bicol sakaling hilingin na ng mga Bicolanong Overseas Filipino Worker (OFW) sa Israel na sila’y ma-repatriate o makabalik sa bansa kasunod ng nangyayaring kaguluhan doon.

Ayon sa tagapagsalita nito sa Bicol, sakaling lumala ang tesyon ng bansang Israel bunsod ng militanteng grupong Hamas, malaki ang posibilidad na magsi-uwian sa bansa ang mga apektadong OFW subalit sa ngayon ay malabo pa umano ito.

Sa tala ng OWWA, nasa 568 ang rehistradong Bicolano OFW sa Israel.

Sakali namang ipatupad na ang repatriation, may mga tulong naman na nag-aantay sa mga OFW na aktibong miyembro ng OWWA tulad halimbawa ng Livelihood Assistance Grant na nagkakahalaga ng P20,000.00. Sa mga OFW naman na ayaw ng bumalik pa sa Israel, may loan program din para sa kanila ang OWWA na nag kakahalaga ng P100,000.00 hanggang P2,000,000.00. May Financial Relief Assistance din subalit hindi tulad ng ibang asistensya, mahaba ang magiging proseso nito.

Samantala, sa pinakahuling tala ng OWWA Central Office, may pitong OFW ang hindi na matukoy ang lokasyon subalit nitong Huwebes nang makumpirma na dalawa (2) sa mga ito ang nasawi.