Oras na para sila naman ang magtrabaho! Mga nanalong kandidato, naiproklama na—Comelec

Ngayong may nanalo na, oras na para patunayan ng mga nahalal na karapatdapat sila sa tungkulin. Isa sa mga dapat nilang pagtuunan ng pansin, ayon sa kagawaran, ay ang kapayapaan at kaayusan sa barangay.

Tapos na ang pagbibilang ng mga boto para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE), at naiproklama na rin ang mga nanalong kandidato.

Iyan ang inanunsiyo kahapon ni Comelec chairman George Garcia, na una nang nagsabing “generally peaceful” ang idinaos na BSKE.

Maging sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kung saan maraming election-related incidents ang naitala, ay naiproklama na rin daw ang mga nanalong kandidato. Ang mga hindi pa napoproklama, ayon kay Garcia, ay ang mga kandidating suspindido ng Comelec at ang mga kandidato sa mga lugar kung saan humingi ang mga electoral board ng “five-day notice rule.”

Gayunpaman, nangako ang Comelec na hahabulin pa rin nila ang mga kandidatong may reklamo ng vote-buying kahit tapos na ang BSKE.

Sabi naman ni Interior Secretary Benhur Abalos, mahigit 19,000 barangay captain at 17,160 miyembro ng Sangguniang Kabataan ang naiproklama na. Hinimok rin niya ang mga nanalo na magtrabaho na sa oras na makaupo na sila sa pwesto.

“Now is the time to work. We have a lot of advocacies. Of course, the President stresses that the economy is very important. Look at the fundamentals—peace and order are very important,” paalala ni Abalos sa isang Kapihan sa Manila Bay forum.

Hinikayat rin niya ang mga nanalo na maging kaakibat ng pamahalaan sa war on drugs nito.

“It is very important to be the shepherd of peers to avoid drugs. Encourage programs and be shepherds of peace,” dagdag niya.