Oragon ini! Sorsoganon, Top 8 sa September 2023 boards ng Agricultural and Biosystems Engineers

Ikinagulat ng bagong agricultural and biosystems engineer ang resulta ng board exams dahil umano’y hindi siya gaano nakapaghanda at nakapag-aral.

SORSOGON CITY – Nagtapos ng 23-anyos na si Issachar Gacos Estuye ng Barangay Burabod, Sorsogon City ang ikawalong pwesto sa September 2023 Agricultural and Biosystems Engineers licensure examination.

Produkto siya ng Bicol University-Guinobatan Campus at nagtapos na ng cum laude sa kursong Bachelor of Science in Agricultural and Biosystems Engineering nitong taon lamang.

Pag-aamin niya, hindi madali ang kanyang kurso lalo na noong pandemya subalit dahil ayaw niyang bitawan ang kanyang pangarap na mag-top sa board exam, mas sinipagan niya pa raw sa pag-aaral.

Dagdag pa niya, hindi niya gaano natutukan ang pagre-review dahil sa graduation, kaya laking gulat niya na nag-top 8 pa rin siya.

Bukod kay Estuye, nakapag-produce rin ng 25 pang bagong Biosystems Engineers ngayong buwan ang naturang unibersidad.