Open parking ng NAIA Terminal 3, niyanig ng pagsabog; 3 sasakyan, nasira

Walang napaulat na nasaktan sa pagsabog ang isang Molotov bomb sa open parking ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Niyanig ng isang pagsabog ang open parking ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nitong Sabado ng umaga, Setyembre 23.

Ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA) at Aviation Security Group, hindi pa nakikilalang indibidwal ang nagtapon ng isang Molotov bomb sa open parking ng NAIA Terminal 3.

Wala namang napaulat na nasaktan sa nasabing pagsabog na nangyari bandang 9:39 ng umaga, ngunit tatlong sasakyan ang nagtamo ng pinsala.

Batay na rin sa paunang imbestigasyon ng MIAA, sumabog ang Molotov bomb nang tumama ito sa Fortuner. Tumilapon naman ang mga bubog sa dalawa pang sasakyan.

Kasalukuyan namang nirereview ang mga kuha ng surveillance camera na malapit sa pinangyarihan ng pagsabog.

Samantala, ipinag-utos ni MIAA officer-in-charge Bryan Co na mas dalasan ang pagpatrolya sa mga terminal ng NAIA at pag-igtingin pa ang police visibility.

Hinimok rin niya ang publiko na ipagbigay alam sa NAIA security ang mga kahina-hinalang indibidwal o paggalaw sa airport.