Ooops, ‘di naman sadya! Banggaan sa karagatan maaaring aksidente lamang – PCG

Ayon sa PCG, hindi sinasadya ang banggaan ng malaking bapor at bangka ng mga mangingisdang Pilipino batay na rin sa mga testimonya ng mga nakaligtas.

Hindi sinasadya ang banggaan ng malaking bapor at bangka ng mga mangingisdang Pilipino batay na rin sa mga testimonya ng mga nakaligtas, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na batay na rin ito sa mga testimonya ng mga nakaligtas na mangingisda.

“Sila rin mismo yung nagsasabi na in this particular time na nangyari ito, masyadong madilim ang area, pangit ang panahon. So, there’s a possibility na hindi nga sila napansin,” kwento ni Tarriela sa briefing ng Bagong Pilipinas Ngayon.

Nilinaw rin ni Tarriela na nangyari ang insidente malapit sa Pangasinan na labas sa katubigan ng Bajo de Masinloc.

“If you’re going to plot the area kung saan nabangga itong ating mga mangingisda, ito ay may distansya na 180 nautical miles from Agno, Pangasinan. So, mas malapit siya sa Pangasinan kesa Bajo de Masinloc,” paliwanag ni Tarriela.

Hindi rin aniya sangkot ang China sa nasabing insidente. Nakikipag-coordinate na rin ang PCG sa port state control ng oil tanker na sangkot sa banggaan.