Online spoken poetry competition para sa mga kabataang katutubo, inilunsad ng DSWD-Bicol

Ginawa ang patimpalak bilang bahagi ng pagdiriwang sa ika-26 anibersaryo pagpasa ng Republic Act No. 8371 o ang Indigenous Peoples Rights Act (IPRA)

Inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol ang isang kompetisyong magpapakita ng galing sa spoken poetry ng mga katutubong kabataan na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ayon sa kagawaran, layunin nilang maipamalas din ng Indigenous People (IPs) ang kanilang talento lalo na pagdating sa spoken poetry kung saan maaari rin nilang mailabas ang kanilang mga personal na saloobin.

Ang kompetisyon ay binuksan para sa ika-26 na anibersaryo ng Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) o Republic Act No. 8371 ngayong buwan.

May tema ang kompetisyon na “Katutubong Kabataan Sulong: Boses at Obra sa Makabagong Panahon”.

Binuksan ang kompetisyon para sa mga kabataang IPs na edad 12-18 anyos.

Pitong kalahok lamang galing sa anim na probinsya ng Bicol ang pwedeng magpadala ng entry hanggang October 16 sa link na ito: https:/bit.ly/SPentry2023 habang sa October 31 naman malalaman kung sino ang umangat sa kompetisyon.

P4,000.00 ang mapapanalunan ng 1st placer, P3,000.00 para sa 2nd placer, at P2,000.00 sa 3rd placer habang P500.00 bilang consolation prize.