‘Online assistance’ na inaalok sa Facebook, pinatatanggal ng LTO

Hindi na rin naman kailangan ng online assistance dahil digital na ang mga transaksyon sa LTO. Ibig sabihin, mas madali at mas mabilis na ito, at hindi na kailangang bumisita sa opisina ng ahensiya.

Inatasan na ni Land Transportation Office chief Vigor Mendoza II ang legal department ng ahensiya na makipagtulungan sa Facebook Philippines para alisin ang mga account na nag-aalok ng online assistance para sa pagkuha ng driver’s license at pagpaparehistro sa mga motor.

Sa isang pahayag, sinabi ni Mendoza na inatasan rin niya ang mga regional directors at district heads na magmanman sa Facebook at iba pang social media platform upang makita kung may mga grupo o indibidwal na nag-aalok ng nasabing serbisyo.

Pati ang mga tauhan ng LTO ay hinimok rin ni Mendoza na tulungan ang ahensiya.

“We will also tap all our employees to immediately report to their district heads any accounts that offer LTO online assistance. We are also planning to give incentives to LTO employees whose information could lead to the arrest of these online scammers and take down their social media accounts,” aniya.

Dagdag pa ni Mendoza, digital na ang LTO, kasama na ang pag-apply at pagproseso sa mga student permit, driver’s license, at rehistro.