‘One strike’ lang sa abusado: BI, umaksyon kontra korapsyon sa loob ng ahensya

Bagaman aminado si Immigration Commissioner Norman Tansingco na matagal ng problema ng kawanihan ang korapsiyon, tiniyak niyang ginagawa ng ahensiya ang lahat upang mapanagot ang mga masasangot sa anomalya, pati na rin ang pagsupil sa korapsyon gamit ang teknolohiya.

Walang puwang ang kalokohan sa Bureau of Immigration (BI).

Tila iyan ang mensahe ng ahensya ng sibakin o suspindihin nito ang 73 empleyadong sangkot umano sa korapsyon. Iniimbestigahan na rin ng board of discipline ang 72 kaso pa ng anomalya.

Aminado naman si Immigration Commissioner Norman Tansingco na matagal ng problema ng BI ang korupsiyon. Gayunpaman, ginagawa nito ang lahat hindi lang para mahuli ang mga salarin kundi tulungan rin ang mga empleyado na hindi na matukso pa na maging kurakot.

Layon rin aniya ng ahensya na magpatupad ng one-strike policy kung saan tatanggalin agad sa frontlines ang mga empleyadong madadawit sa korapsyon. Dagdag pa ni Tansingco, gagamit ang BI ng teknolohiya upang mas mapaigting ang laban nito kontra korapsyon.

“Ngayon manual pa rin tayo—a passenger has to interact with an immigration officer to be processed,” paliwanag ni Tansingco. “But with the upgrades we are implementing, our operations would involve e-gates and AI (artificial intelligence), which would remove unnecessary person-to-person contact.”