One more chance! Jordan Clarkson lalaro pa sa Gilas kung may pagkakataon

Nais pang maglaro ni Jordan Clarkson para sa Gilas Pilipinas kung may pagkakataon pa sa ibang torneo maliban sa FIBA World Cup.

Kung si Jordan Clarkson ang masusunod, nais pa niya muling maglaro para sa Gilas Pilipinas kung may mga pagkakataon pa.

“I’m still out here competing. I don’t think this is my last performance in this jersey, I think I got more time,” pahayag ni Clarkson matapos tulungan ang Gilas na manalo kontra China noong Sabado. “Hopefully, down the line when that time comes, I’m around again, I may put this jersey on and represent the country.”

Sa limang laro sa FIBA World Cup, nakapagtala si Clarkson ng 26.0 points, 4.6 rebounds, 5.2 assists, at1.2 steals upang pangunahan ang Gilas, na kinapos lamang sa unang apat laro nito laban sa Dominican Republic, Angola, Italy, at South Sudan.

Lumabas ang laro ni Clarkson sa kahuli-hulihang laro ng Gilas kontra China nung Sabado, Setyembre 2 nang bumuhos ito ng 20 puntos noong 3rd quarter ng game. Hindi na nakaporma ang China sa Gilas at tuluyang natalo, 96-75.

Maliban sa FIBA World Cup, naglaro na rin ang 31-anyos na si Clarkson para sa Pilipinas noong 2018 Asian Games at sa ika-apat na window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers noong 2022.

“I thought 30 is the new 20, right. I still feel young,” dagdag pa ng 2021 NBA Sixth Man of the Year.