Okay lang ang paminsang private time! Wag kayong nega! PBBM, nalugod sa pagdalo sa Coldplay concert

Hindi dapat kaligtaan ang mga konsyertong tinanghal sa Pilipinas, lalo na kung tanyag na banda ang tutugtog, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na inilarawan ang sarili bilang "music lover."

Para sa mga mahilig sa musika, hindi dapat kaligtaan ang idinaos na konsyerto ng Coldplay noong nakalipas na Biyernes, Enero 19, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Nagbigay ng maikling pahayag ang Pangulong Marcos matapos batikusin sa kanyang pagdalo sa konsyerto sa Philippine Arena sa Bulacan.

“By now, alam niyo na na music lover talaga ako. I have been for a long time. I studied music for many years. And to have somebody like Coldplay, unmissable dapat ‘yun, cannot miss,” sinabi ng Pangulong Marcos sa mga mamamahayag.

“It was, by the way, fantastic. Ask anybody who attended the concert. Ibang klase. Hindi na iyong concert na pinupuntahan namin dati. Ibang iba na,” paliwanag pa niya.

Kasama ng Pangulo ang Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at anak na si Vincent.

“The Coldplay concert was awesome! Bravo Chris Martin!! [clapping hands emoji],” sinabi ng Unang Ginang sa kanyang post sa Instagram.

Sumakay ang Unang Pamilya sa presidential chopper patungong Bulacan at pauwi sa Bahay Pangulo sa Malacanang complex.

Una nang ipinaliwanag ng Presidential Security Group na ginamit ang chopper para sa seguridad ng pinakamataas na opisyal ng gobyerno.

Samantala, nagpasalamat naman ang tanyag na British rock band sa lahat ng Pilipinong dumalo sa kanilang konsyerto.

“Thank you for two incredible nights, Manila,” isinulat ng banda sa kanilang social media post kung saan naglakip ito ng 38-segundong compilation ng litrato at video ng mga sikat na tourist spot sa Maynila at mga eksena sa naganap na konsyerto.