Oh, my virgin eyes! Grupo, kinaushan si Toni Fowler dahil sa music video na malaswa

Nagsampa ng reklamo sa piskalya ang isang grupong tila namumulis ng moralidad laban kay Toni Fowler dahil sa diumanong malaswa ang kanyang music video.

Sinampahan ng reklamong kalaswaan ang kilalang content creator at social media personality na si Toni Fowler.

Nitong Miyerkules, Setyembre 27, isinampa ng grupong Kapisanan ng mga Social Media Broadcaster ng Pilipinas Inc. (KSMBPI) ang reklamong paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code in Relation to the Cybercrime Prevention Act of 2012 kay Fowler, na kilala sa kanyang mga mapanuksong kanta at sexy videos.

Ayon sa grupo, inireklamo nila si Fowler dahil sa mga music video nito na anila ay may malalaswang lyrics at eksena, gaya ng pagpapakita umano ni Fowler ng maseselang bahagi ng katawan nito sa isang lalaki.

Kasama sa mga naghain ng kaso laban kay Fowler ang mga abogadong sina Leo Olarte, pangulo ng KSMBPI, John Castriciones, director ng KSMBPI, at Mark Tolentino, legal counsel ng group.

“Kasi when you say freedom of press or freedom of expression, hindi absolute ‘yan. May mga limitation ang freedom of press… the second limitation is Article 201 of the RPC. Ito ‘yung nagbibigay ng mga obscene publication, indecent publication,” ani Tolentino.

“Like in this case of Ms. Toni Fowler, may nagpakita siya, kumakanta siya ng mga bastos. Aside from the — nagpakita din ng sex organs,” he added.

Ayon sa grupo, nahaharap si Fowler sa multang P6,000–P12,000 kada video at pagkakakulong ng hanggang 20 taon.”