OCD, magpapadala ng mga rescuers sa Morocco para tumulong sa recovery efforts doon

Sinisimulan na ng Office of Civil Defense (OCD) ang pagbuo sa Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent na ipapadala sa Morocco para tumulong sa recovery efforts ng bansang tinamaan ng malakas na lindol kamakailan.

Handa na magpadala ng mga rescuers ang Office of Civil Defense (OCD) para makatulong sa ginagawang relief efforts sa Morocco, na tinamaan ng magnitude 6.8 na lindol na sumira sa mga komunidad at pumatay sa halos 3,000 katao.

Nakikipagusap na ang OCD para tingnan ang posibilidad ng pagtatalaga sa Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent (PIAHC) papuntang Morocco kung saan patuloy pa rin ang search, rescue, and retrieval operations, ayon kay OCD administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno

“We are deeply saddened by the aftermath of the earthquake that hit Morocco. We want to assure Morocco that the Philippines is more than willing to extend assistance to support the ongoing response operations. We are organizing a humanitarian contingent for possible deployment,” ani Nepomuceno sa isang pahayag.

Magmumula ang miyembro ng PIAHC mula sa mga tauhan ng OCD,525th Engineering Combat Battalion of the Philippine Army, 505th Search and Rescue Group of the Philippine Air Force, Bureau of Fire Protection – Special Rescue Unit, Metropolitan Manila Development Authority, Davao Rescue 911, at Department of Health.

Nitong Pebrero, nagpadala ang Pilipinas ng isang 82-kataong contingent sa Turkiye para tumulong sa rescue efforts doon.

Tumama ang magnitude 7.8 sa Turkiye at Syria kung saan umabot sa 50,288 ang namatay at 125,857 ang nasaktan.

Tumulong ang PIAHC sa pagbibigay ng atensyong medical, at sa search, rescue, and retrieval operations na isinagawa.