OCD: Halaga ng nasirang imprastraktura bunsod ng lindol sa Cagayan, umabot na sa P44.65-M

Limang tao ang naitalang nasaktan, habang 174 katao naman ang naapektuhan ng pagyanig sa Cagayan.

Umabot sa P44.65 milyon ang halaga ng napinsalang imprastraktura bunsod ng magnitude 6.3 ng lindol sa Calayan, Cagayan, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).

Sa pinakahuling bulletin nito, 174 katao o 43 na pamilya ang apektado ng lindol. Mula sa mga apektadong mamamayan, 98 katao o 20 pamilya ang namamalagi ngayon sa mga evacuation center.

Limang katao pa rin ang naitalang nasaktang. Dalawa doon ang nagtamo ng brain trauma at head concussion, habang ang natitirang tatlo ay nagtamo ng minor injury.

Tatlong bahay ang nagtamo ng sira dulot ng lindol.

Nangyari ang lindol, na unang napa-ulat na umabot sa magnitude 6.4, noong Martes, Setyembre 12, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Ayon sa Phivolcs, nakapagtala na sila ng 131 aftershocks.