NUCP: Iligal na bentahan ng vape, heated tobacco products dapat supilin ng Shopee, Lazada

Muling hinimok ng Nicotine Consumers Union of the Philippines Inc. ang Shopee at Lazada na tanggalin na sa kanilang platform ang iligal na nagbebenta ng mga vape at heated tobacco products, na labag sa batas.

Nanawagan ang mga consumer groups sa e-commerce shops na Lazada at Shopee na alisin na sa kanilang mga platform ang mga nagbebenta ng mga hindi rehistradong vape at heated tobacco products (HTPs) nitong Oktubre.

Ipinangako na ng pamunuan ng Lazada and Shopee kay Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. na aalisin nila ang lahat ng hindi rehistradong nagbebenta sa kanilang plataporma bago matapos ang Oktubre 2023.

Ang naturang pangako ay binitawan ng Lazada at Shopee sa isang pagpupulong kasama ang BIR, kung saan tinalakay nila ang Vape Law. Isa sa mga probisyon ng nasabing batas ay ang pagpaparehistro ng mga vape, heated tobacco at iba pang produktong tabako na ibinebenta online.

“Lazada and Shoppe should follow through with their commitment to purge all unregistered sellers of illicit vape to ensure consumers are protected from dubious products,” ani Anton P. Israel, pangulo ng Nicotine Consumers Union of the Philippines Inc.

Nauna nang ipinabatid ng Philippine Medical Association ang kanilang pag-alala kaugnay sa talamak at iligal na bentahan ng vaporized nicotine at non-nicotine products sa mga online platform gaya ng Shopee, Lazada, at Facebook Marketplace.