NTC: Lampas sa 45,000 na reklamo vs text scams kahit may mandatoryong SIM registration na

Higit sa 45,000 na reklamo na ang inihain sa National Telecommunications Commission ng mga biktima ng text scams.

Nakatanggap ng lampas 45,000 na reklamong may kinalaman sa text scams ang National Telecommunications Commission (NTC) kahit na ipinapatupad na ang batas na nagmamandato sa SIM registration.

Sinabi ni NTC Commissioner Ella Blanca Lopez sa pagdinig ng Senate public services committee, karamihan sa mga reklamong inihain sa kanila ng mga biktima ay may kinalaman sa text scam at hindi sinasadyang pagbigay ng pera sa mga manloloko.

“During the early phase of the SIM registration, we noticed a decline in the text scam complaints received in our office. However, in the ensuing months, we again noticed a sharp increase of reported scams,” ayon sa opisyal.

“As of date, we have received a total of 45,697 complaints related to scams,” dagdag pa niya.

Ayon kay Lopez, nagpulong noong Agosto 29 ang technical working group ng NTC, na naglikha ng implementing rules and regulations para sa SIM Registration, upang pag-aralan ang sitwasyon. Kasama na rin dito ang pag-sala sa mga rehistro na gumamit ng mga pekeng ID at pekeng pagkakakilanlan.

Hiningan na rin ng NTC ang mga telco companies ng mga proposal para sa post-registration validation mechanism. Dalawa pa lang ang nakapagpasa ng suhestyon, ayon sa komisyon.

Ayon kay Lopez, umabot na sa 118,908,469 SIM cards ang nai-rehistro.

Layunin ng SIM Registration law na wakasan ang mga krimen gamit ang mobile phone kabilang na ang mga text at online scams sa pamamagitan ng mandatory registration ng SIM Card.