NTC, ipapalabas ang mga amyenda sa IRR ng SIM Registration law sa susunod na linggo

Tinitingnan ng National Telecommunications Commission na ma-amyendahan ang mga panuntunan ng SIM Registration law hanggang sa susunod na linggo.

Aamyendahan ang implementing rules and regulations (IRR) ng SIM Registration law matapos masilip ang mga butas dito kaya patuloy ang paglaganap ng mga text scams, ayon sa National Telecommunications Commission (NTC)

Sa isang panayam, sinabi ni NTC deputy commissioner Jon Paulo Salvahan na nakatakdang magpulong ang isang technical working group Huwebes ng hapon, Setyembre 7, kasama ang National Privacy Commission (NPC), para siguruhing akma sa batas ang mga gagawing amyenda sa IRR.

“‘Yung IRR tinitignan natin na by next week ma-issue na natin ‘yan since continuous naman ang meeting,” ani Salvahan.

Giniit ni Salvahan na pinapalawig pa ng NTC ang kanilang pagpapatupad ng batas sa pakikipagtulungan sa Philippine National Police (PNP), the National Bureau of Investigation (NBI), at iba pang mga ahensya upang tugisin ang mga nasa likod ng text scams at spam messages.

Samantala, sinabi rin ni Salvahan na ang mga datos na hawak ng mga telco ay sumasailalim sa post-registration validation system na pinatutupad ng NTC.

“When the subscribers register, hindi naman nakikita ng mga telcos ‘yun dahil absolutely confidential nga ‘yung data and information na sinu-submit ng ating subscribers. But meron tayong process ngayon, ‘yung post-registration validation, to know kung authentic ‘yung sinubmit na data and information ng mga subscribers,” aniya.