Now na, agad-agad! PCG, binigyan ng 5 araw para tapusin ang imbestigasyon sa banggaan ng barko sa West Philippine Sea

Mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nag-utos sa Philippine Coast Guard na kaagad imbestigahan ang insidente upang matukoy ng gobyerno ang mga susunod na hakbang nito tungkol sa banggaan ng mga barko sa teritoryo ng Pilipinas.

Tiniyak ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na tatapusin nila ang imbestigasyon sa nangyaring pagbangga ng mga barko ng China sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

“We are looking at 5 days to complete the investigation. We will submit it to the President through the Department of Transportation,” pagtitiyak ni Gavan sa isang briefing sa Palasyo nitong Lunes, Oktubre 23.

Bunsod na rin ito sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa PCG na tapusin sa lalong madaling panahon ang imbestigasyon nito sa agresibong paggalaw nanaman ng China sa teritoryo ng Pilipinas.

Kaugnay nito ay naghain na rin ng isang diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs, na tinawag nitong “threatening” at “provocative.”

Hindi naman masabi ni Gavan kung isasapubliko ba ng PCG o ng pangulo ang magiging resulta ng imbestigasyon.