No show! LTO, reresolbahin na ang mga kaso ni ex-cop Gonzales matapos di sumipot sa pagdinig

Nakatakdang resolbahin ng Land Transportation Office (LTO) ang mga kasong kinakaharap ng dating pulis na si Wilfredo Gonzales matapos hindi siputin nito ang ginanap na pagdinig kamakailan.

Nakatakdang resolbahin ng Land Transportation Office (LTO) ang mga kasong kinakaharap ng dating pulis na si Wilfredo Gonzales matapos hindi siputin nito ang ginanap na pagdinig kamakailan.

Sinabi ni LTO-National Capital Region (NCR) assistant regional director Hanzley Lim, dadalhin na ng kanilang tanggapan ang resolusyon kay LTO chief Vigor Mendoza II matapos hindi magpasa ng sagot si Gonzales sa inilabas na show cause order laban sa kanya ng ahensiya.

Nagpalabas ang ahensiya ng kautusan kay Gonzales matapos kumalat sa social media ang kanyang video kung saan na-aktuhan siyang nanakit at nanutok ng baril sa isang siklista..

Tanging ang anak ni Gonzales ang pumunta sa pagdinig ng LTO-NCR noong ika-31 ng Agosto, at isinuko ang lisensya ng kanyang ama na bahagi ng 90-na-araw na preventive suspension na ipinataw sa kanya ng ahensiya.

Ayon kay Lim, maituturing na “waived” na ang pagkakataon ni Gonzales na sagutin ang mga paratang sa kanya matapos hindi magsumite ng tugon sa LTO. Pinagpapaliwanag ng ahensiya si Gonzales matapos itong makitaan ng mga posibleng paglabag sa batas trapiko.

Inutusan ni Mendoza ang LTO-NCR na kaagad resolbahin ng mga kaso laban kay Gonzales, habang sinisigurong dadaan ito sa tamang proseso.

Sakaling mapatunayang nilabag ni Gonzales ang mga umiiral na batas trapiko, maaaring patawan siya ng parusa ng LTO, kabilang dito ang permanenteng pagtanggal ng kanyang lisensya para makapagmaneho.