No ligo? No problem! Lalaki, nagnakaw ng cologne dahil hindi pa nakakaligo ng ilang araw

Nahuli pa rin ang suspek kahit pa sumibat agad ito sa pamilihan. Agad naman niyang inamin ang pagnanakaw, na nagawa niya raw dahil hindi pa siya naliligo ng ilang araw at balak niya sanang gamitin ang cologne.

Mabangong papasok ang isang lalaki sa kulungan sa Bacolod City kahit ilang araw pa itong hindi nakakaligo.

Iyan ay dahil nagnakaw ito ng cologne sa isang pamilihan—na siya namang naging dahilan sa kaniyang pagkakaaresto.

Kwento ni Milandro Diero, security guard ng grocery store na pinagnakawan, napansin niya ang pagpupuslit ng suspek ng isang cologne. Kanya naman agad niya itong sinita.

Dito na inespreyan ng suspek ang mata ni Diero ng cologne na kinulimbat nito, sabay sibat ng takbo.

Pero nahuli pa rin ang suspek, na inamin naman ang pagnanakaw. Aniya, nagawa niya ang krimen dahil hindi pa siya naliligo ng ilang araw, at balak niya sanang gamitin ang cologne.

Dagdag naman ni Diero, may dalawang kasabwat ang suspek na aniya ay pabalik-balik sa tindahan.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung may rekord na ang suspek sa ibang lugar, samantalang tinutugis ang dalawa pa nitong kasama.