No go! Panukalang bawas-taripa sa angkat na bigas, binasura ni PBBM

Mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang nagpasya laban sa pagtanggal ng taripa sa angkat na bigas dahil hindi akmang solusyon ito sa kasalukuyang problema sa presyo ng bigas.

Tumanggi ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pansamantalang ibaba ang taripa sa bigas para hatakin pa pababa ang presyo nito sa merkado.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos ang pulong niya kasama ang economic team kung saan nagbigay ng abiso ang National Economic and Development Authority (NEDA) sa panukalang pagbaba ng taripa sa angkat na bigas kasama ang Department of Finance (DOF), Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Budget and Management (DBM).

“We decided with the agriculture and economic managers that … it was not the right time to lower the tariff rates because the projection of world rice prices is that it will go down. So, this is not the right time to lower tariffs. Tariffs are generally lowered when the price is going up,” paliwanag ni Marcos.

Maraming grupo ng mga magsasaka ang kontra ng pagbaba sa taripa ng angkat na bigas dahil importer lamang raw ang makikinabang sa hakbang.

Sinabi ng Pangulo na pinagaaralan rin ng economic team kung kailan tatanggalin ang takdang presyo sa bigas.