Ningas kugon pa more! Kilalang coffee shop, aminadong mali ang pagpapatupad sa senior citizen discount

Tukoy na ang mga establisyimentong napabalitang mali ang pagpapatupad ng senior citizen discount: ang Starbucks Coffee at Marco Polo Hotel-Pasig

Nagbunga na agad ang ipinatawag na imbestigasyon ni House Speaker Martin Romualdez ukol sa mali o hindi pagpapatupad ng 20% senior citizen discount ng mga establisyimento.

Sa katunayan, sa unang araw pa lamang ng pagdinig ay inamin na agad ni Angela Cole, operations director ng Starbucks Coffee, na nagkamali ang kumpanya sa mga signage nito na nililimitahan ang saklaw ng discount sa isang inumin at isang food item lamang.

BASAHIN RIN: Mga opisyal ng hotel, nahaharap sa mga kaso matapos hindi bigyan ng senior citizen discount ang isang kliyente

Tiniyak rin niya ang “immediate removal of the erroneous signages” na aniya ay “not properly worded.”

Tinukoy rin sa hearing ni election lawyer Romulo Macalintal na Marco Polo Hotel-Pasig ang malaking hotel na unang napabalita na hindi nagbigay ng discount sa isang senior citizen. Nakakaharap ngayon sa kaso ang ilang opisyal ng nasabing establisyemento.

“We are expecting arrest warrants to be issued today (Wednesday) against responsible hotel officers,” ani Macalintal.

Puna naman ni Rep. France Castro ng ACT Teachers Partylist, hindi pa itatama ng Starbucks ang mali nito kung hindi pa nagpaimbestiga si Speaker Romualdez.

BASAHIN RIN: Mga establisyimentong hindi nagpapatupad ng senior citizen discount, pinaiimbestigahan ni Romualdez

Samantala, nagpasalamat kay Romualdez si Parañaque City Rep. Gus Tambunting dahil sa aksiyon nito para sa mga senior citizen na aniya ay naaargayado sa mga maling pamamalakad.

“Salamat sa ating Speaker,” aniya. “Sana mabawas-bawasan na ang pang-aagrabiyado sa ating mga senior citizen at PWD.”