NDRRMC: Mahigit 100k na pamilya apektado na nina Goring, Hanna, habagat

Umabot na sa 106,677 ang bilang ng mga pamilyang apektado ng pananalasa ng habagat at ng mga Bagyong Hanna at Goring, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Biyernes, Setyembre 1.

Ang bagong datos ay higit na mataas kaysa sa 85,395 na iniulat ng NDRRMC noong Huwebes sa kanilang disaster bulletin.

Ang pinakahuling bilang ay katumbas ng 387,242 katao mula sa 1,382 barangay sa rehiyong Ilocos, Cagayan Valley, Gitnang Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Kanlurang Visayas, at Cordillera Administrative Region (CAR).

Kaugnay nito, nasa 5,152 pamilya o 21,701 indibidwal ang pansamantalang naninirahan sa 293 evacuation centers, habang 6,092 pamilya o 24,827 katao ay binibigyan na ng kaukulang tulong.

Nauna nang sinabi ng Office of Civil Defense na kabilang sa mga apektadong pamilya ang mga displaced at mga hindi nangangailangan ng paglipat o pagpapaalis sa kanilang tirahan.

Samantala, tinatayang nasa P395.2 milyon na ang pinsalang dulot ng bagyo at habagat sa agrikultura sa Cagayan Valley, Gitnang Luzon, at Kanlurang Visayas, habang nasa P41.2 milyon naman ang pinsalang dulot sa imprastraktura sa Cagayan Valley, MIMAROPA, Kanlurang Visayas, at CAR.