NDRRMC: Higit sa P700M na ang nasirang imprastraktura; lagpas P600M naman ang halaga ng sirang pananim

Lagpas P700 milyon na ang halaga ng nasirang imprastraktura mula sa hagupit nina ‘Goring,’ ‘Hanna,’ at habagat

Higit sa P700 milyon na halaga ng sira sa imprastraktura ang naiulat dahil sa hagupit ng mga Bagyong “Goring” at “Hanna,” na nagpalakas rin sa hanging Habagat, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa pinakahuling ulat ng ahensya ngayong Martes, Setyembre 5, umabot na sa P727,251,200 ang halaga ng nasirang imprastraktura tulad ng kalsada, tulay, at iba pa, na matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.

Karamihan ng mga nasirang daan ay matatagpuan sa Ilocos Region, na nakapagtala ng P597 milyong halaga ng sirang imprastraktura. Sumunod naman ang Cordillera Administrative Region (CAR), na nagtamo ng P87.21 milyon na halaga ng nasirang imprastraktura.

Samantala, nagtamo ang Cagayan Valley ng P40 milyong halaga ng nasirang imprastraktura, habang umabot naman sa P2,641,200 ang nasirang imprastraktura sa Mimaropa.

Sa industriya ng agrikultura, sinabi ng NDRRMC na ang halaga ng mga nasirang tanim at alagang hayop at umabot na sa P623,796,960. Napuruhan ang mga magsasaka sa mga rehiyon ng Cagayan Valley, Central Luzon, CAR, Mimaropa, at Western Visayas.

Nanatiling ang death toll sa dalawang katao, ayon sa ahensiya.

Nakakaranas pa rin ng pagkaantala sa serbisyo ng kuryente sa tatlong lugar sa Western Visayas, habang may water supply interruption naman sa isa sa tatlong apektadong lugar sa naturang rehiyon.

Nakapagpalabas na ng ayudang umabot na sa P35,671,347 halaga ng gamit at pagkain, ayon sa NDRRMC.