NBA champion at Slam Dunk winner na si Dwight Howard, lalaro para sa koponan ng Pilipinas sa Dubai

Ang Strong Group, na kilala rin bilang Mighty Sports noon, ay naging unang kampeon ng Dubai International Basketball Championship na hindi nakabase sa Middle East noong 2020 sa pangunguna ni dating Gilas naturalized player Andray Blatche at ex-NBA player na si Renaldo Balkman.

Lalaro sa Strong Group ng Pilipinas si dating National Basketball Association (NBA) champion at Slam Dunk king Dwight Howard.

Sasabak si Howard at ang Strong Group sa Dubai International Basketball Championship na gaganapin sa United Arab Emirates simula Enero 19 hanggang 28.

“He should be here this weekend,” sabi ni Strong Group coach Charles Tiu. “I expect him to still be dominant, especially defensively. We got him because we intend to win….”

Makakalaro ni Howard, na top overall pick ng Orlando Magic noong 2004, si dating Gilas Pilipinas naturalized player Andray Blatche, dating NBA player na si Andre Roberson, at dating PBA import na si McKenzie Moore.

Pangungunahan naman ni UAAP MVP Kevin Quiambao ang mga local players ng Strong Group, kasama si point guard JD Cagulangan ng University of the Philippines.

Ang Strong Group, na kilala rin bilang Mighty Sports noon, ay naging unang kampeon ng Dubai International Basketball Championship na hindi nakabase sa Middle East noong 2020 sa pangunguna ni Blatche at Renaldo Balkman.