Nawawala, bumabalik, ‘eto na naman! Rubber boats ng China, tumataboy sa mangingisdang Pinoy sa Scarborough Shoal – grupo

Binubuntutan ng mga Chinese rubber boat ang mga Pilipinong mangingisda para itaboy paalis ng Scarborough Shoal, na nasa loob ng teritoryo ng Pilipinas, ayon sa isang grupo ng mangingisda.

Tila panibagong kabanata na naman sa panggigipit at pangbu-bully ng China ang isiniwalat ngayon ng mga mangingisdang Pilipino nang i-ulat nito ang presensya ng mga rubber boat ng Chinese Coast Guard na umaaligid sa Scarborough Shoal upang itaboy sila papaalis sa lugar.

Mas tumindi ang pagmamasid at pagpapaalis ng mga tropang Tsino sa mga Pilipinong mangingisda, isang linggo matapos pinakalas ang ikinabit na floating barrier sa isang bahagi ng Scarborough Shoal, ayon kay Henrelito Empoc, tagapagsalita ng Bigkis ng mga Mangingisda Federation in Masinloc, Zambales.

Nagpapatrolya ang mga rubber boat sa laot at nakabantay ang mga tropa ng Chinese Coast Guard, ayon kay Empoc.

Tuwing tinatangka ng mga Pilipino na pumasok sa karagatang sakop ng Scarborough, binubuntutan sila ng mga rubber boat para itaboy, paliwanag pa niya.

Ikinalungkot ni Empoc ang panibagong paraan ng panggigipit sa mga mangingisdang Pilipino sa sarili nitong bakuran.

Hiniling ni Empoc sa mga kawani ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard na sumabay sa kanila sa palaot para may resbak rin sila.