Nawalan na nga, na-scam pa! Fur parent na naghahanap sa nawalang aso, nabudol pa sa Daet

Batay sa imbestigasyon, nag-post sa social media ang isang guro sa Daet, Camarines Norte upang humingi ng tulong sa publiko na mahanap ang kaniyang nawawalang Siberian Husky. Dito na siya nabiktima ng mga manloloko, na nag-message sa kaniya tungkol diumano sa nawawala niyang alaga.

Pinagkaperahan pa ng mga nagpanggap na pulis ang isang fur parent sa Camarines Norte na nawalan ng kanyang alagang aso.

Batay sa imbestigasyon, nag-post sa social media ang isang guro sa Daet, Camarines Norte upang humingi ng tulong sa publiko na mahanap ang kaniyang nawawalang Siberian Husky.

Nakatanggap naman siya ng mensahe mula sa isang nagpakilalang pulis na may impormasyon umano sa nawawalang aso ng guro. Sinabi nitong nasa kapwa niya pulis ang Siberian Husky ng biktima, na agad namang naniwala.

Hiningan siya ng nagpakilalang pulis ng P800 na ipinadala naman sa biktima gamit ang e-wallet.

Subalit nanghinging muli ang suspek ng karagdagang pera, kung kaya’t nagduda na ang biktima.

Hindi na niya muling nakontak ang nagpakilalang pulis.

Kaugnay niyan ay binalaan ng Camarines Norte Provincial Cyber Response Unit ang publiko sa mga modus ng mga scammer. Pinaalala rin nito na may mga batas kontra cybercrime para sa mga biktimang nais magsampa ng mga kaso.