Nasaan na ulit ang mga bike lane? Bilang ng mga nagbibisikleta, patuloy na tumataas ayon sa SWS

Tinatayang nasa 10 milyong sambahayan (36 percent) ngayong taon gumagamit ng bisikleta upang magkapagbiyahe, ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Station (SWS).

Tinatayang nasa 10 milyong sambahayan (36 percent) ngayong taon gumagamit ng bisikleta upang magkapagbiyahe, ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Station (SWS).

Mas mataas ito kumpara sa 29%, o humigit-kumulang 7.3 milyong “cycling households” na naitala ng SWS noong Abril 2022.

Batay na rin sa survey, na isinagawa mula Marso 26 hanggang 29, nasa 6.4 milyong kabahayan ang gumagamit ng sariling bisikleta. Gayunpaman, napag-alaman rin ng SWS na nasa 3.6 milyong kabahayan ang gumagamit ng mga hiniram na bisikleta—mas mataas sa 1.5 milyon na naitala noong Abril 2022 at Mayo 2021.

Ayon pa sa bagong survey, humigit-kumulang 7.5 milyong tao ay nagbibisikleta para sa recreation, habang lagpas 5 milyon katao rin ang nagbibisikleta upang makatipid sa pamasahe.

Samantalang, halos 4.6 milyong Filipino ang nagbibisikleta upang mapabuti ang kalusugan, ayon sa naturang SWS survey na isinapubliko noon ika-31 ng Agosto.

Ang iba pang mga nabanggit na dahilan ng mga respondent kung bakit sila gumagamit ng bisikleta ay upang makatipid sa oras ng paglalakbay, upang mapababa ang timbang, at upang maglibang at makipag-kaibigan.

Bahagi ang pag-aaral sa mga siklista sa First Quarter 2023 SWS na ginawa noong Marso nitong taon, sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 na kalahok mula sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.

Ang naturang survey, ayon sa SWS, ay kanilang ginawa bilang bahagi ng kanilang serbisyo publiko.