Nasaan na ang pulis sa bayan? Grupo ng mga kabataan sa Paombong, naghahasik ng lagim sa mga residente

Bukod sa mga riot at away, sangkot rin ang mga pasaway na kabataan sa pagnanakaw halos gabi-gabi. Madalas pa umano silang nangbabato sa mga walang kamalay-malay na naglalakad lamang.

Sakit sa ulo ng mga residente ng Paombong, Bulacan ang isang pasaway na grupo ng kabataan.

Ayon sa mga nakatira sa naturang bayan, laging nasasangkot sa kaguluhan ang nasabing grupo o kaya ay namemerwisyo ng mga residente.

Sa katunayan, sapul sa CCTV ng isang residente ang isang gulong kinasangkutan ng grupo noong Enero 8 sa Barangay San Isidro Dos, kung saan may dala pang panaksak ang isa at may kasamang may hawak na paddle.

Bukod pa iyan sa halos araw-araw na pamemerwisyo ng grupo.

“Nanggugulo sila. Yung step-in ng anak ko ninakaw pa. Hinabol pa ng anak ko yung mga bata na yun,” kwento ni Evalynda Mirico, isa sa mga residente ng Paombong.

“Maingay nga [sila]. Halos lahat naman ng tao dito eh, naaabala… baka magresbak diyan,” sabi naman ni Corazon Balestega, isa ring residente.

Maging ang mga opisyal ng barangay ay tila walang magawa sa grupo.

“Masyadong naalarma ang buong barangay, almost every day sila ang nirereklamo sa may nawawalang cellphone, may nawawalang mga bagay, may mga nawawalang tsinelas,” ani Vilma Jumaquio, isang opisyal ng Barangay San Isidro Dos.

Dagdag pa niya, sangkot ang mga pasaway na kabataan sa pagnanakaw halos gabi-gabi. Madalas pa umano silang nangbabato sa mga walang kamalay-malay na naglalakad lamang.

Aniya, iba’t ibang hakbang na ang ginawa ng barangay upang matugunan ang problema, subalit bumabalik lamang ang grupo.

Kanya naman humiling na ito, sampu ng mga residente, ng tulong sa Department of Social Welfare and Development at iba pang kawani ng pamahalaan upang tuluyan nang masolusyonan ang araw-araw na sakit ng ulo sa barangay.