Nasaan na ang mga suspek?! Walang kaugnayan ang tensyon sa West Philippine Sea ang disgrasyang sinapit ng mga mangingisdang Pilipino – Coast Guard

Natukoy na rin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang lugar na pinangyarihan ng insidente na 180 nautical miles mula Agno, Pangasinan.

Walang kinalaman sa tensyon sa West Philippine Sea ang nabangang bangka kung saan tatlong mangingisda ang namatay noong isang araw, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

“It has nothing to do with the issue in the West Philippine Sea,” sinabi ni PCG commandant Admiral Artemio Abu.

Nilinaw rin ni Abu na malayo ang pinangyarihan sa Scarborough Shoal. Sa halip, natukoy ng PCG ang lugar bilang 180 nautical miles mula Agno, Pangasinan.

Isinasagawa na ng PCG ang isang marine casualty investigation, at pinapapunta na rin ang mga nakaligtas sa insidente sa Maynila upang makakuha pa ng karagdagang detalye, ayon kay Abu.

“Nagbigay ako ng instruction to request the survivors to be here in Manila para mas madali ang pagkuha natin ng impormasyon. At our expense. Tayo ang magbabayad sa pagpunta nila dito para naman masiguro natin na first hand ‘yung information na makuha natin,” ayon sa opisyal.

Natukoy na ng mga awtoridad ang bumangga sa bangka ng mga mangingisda bilang Pacific Anna, isang crude oil tanker na rehistrado sa bandila ng Marshall Islands.

Nangyari ang insidente noong Lunes, Oktubre 2.