Nasa red notice na ba si ‘Boss’? PNP, itinimbre na sa Interpol ang pagtugis kay Arnie Teves

Itinimbre na ng Philippine National Police sa Interpol na pinaghahanap na ng awtoridad ang pinatalsik na kongresista Arnolfo Teves Jr. kaugnay sa pagpatay kay Gov. Roel Degamo

Humingi ng tulong ang Philippine National Police (PNP) sa Interpol sa pagtugis sa fugitive na pinatalsik na mambabatas Arnolfo Teves Jr. na pinaghahanap ng mga awtoridad kaugnay sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Ipinagutos kamakailan ng Manila Regional Trial Court na arestuhin si Teves at mga kasama nitong co-accused sa pagpatay kay Degamo at siyam na iba noong Marso sa kanyang tahanan.

Ayon kay PNP public information chief Col. Jean Fajardo, itinimbre ng pamunuan ng pambansang pulisya ang mga kaganapan sa kaso dahil pinaniniwalaang nagtatago ang dating kongresista sa ibang bansa.

Humihingi na rin ng direksyon ang pulis mula sa Department of Justice sa mga balak nitong hakbang ukol sa kaso dahil tinukoy na rin ng gobyerno bilang terorista si Teves at kanyang mga kasamahan.

Pinakalat na rin ng PNP ang kanilang mga tracker teams mula sa Criminal Investigation and Detection Group at iba pang unit para tugisin ang iba pang suspect sa kaso.

May lumabas na ulat sa mga nakalipas na buwan na nagtatago diumano si Teves sa Timor Leste dahil walang extradition treaty ang bansa sa Pilipinas.