Nasa pamilya na nila: Labi ng 2 Pilipinong binitay sa China, naiuwi na sa bansa—DFA

Bagaman sinubukan ng gobyerno na isalba ang dalawang Pilipino, sila ay binitay pa rin sa China noong Nobyembre 24 dahil sa drug trafficking.

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Sabado, Disyembre 9, na nauwi na ang labi ng dalawang Pilipinong binitay sa China kamakailan dahil sa drug trafficking.

“Yes, and delivered to the families,” sagot ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega nang tanungin ito kung naiuwi na ba ang abo ng na-cremate na mga Pilipino.

BASAHIN RINHindi dininig ang apela ng Pilipinas: 2 Pinoy, binitay sa China dahil sa drug trafficking — DFA

Aniya, inuwi ng mga opisyal ng Philippine Consulate ang abo ng dalawang Pilipino noon pang Disyembre 8.

“They were turned over to the families yesterday (Disyembre 8) and today (Disyembre 9),” ani de Vega.

Tumanggi naman siyang magbigay ng iba pang detalye dahil sa hiling na rin ng mga pamilya.

Matatandaang tiniyak ni Foreign Affairs spokesperson Ma. Teresita Daza na kumikilos na ang Philippine Consulate General sa Guangzhou upang maiuwi ang mga labi ng dalawang Pilipino, na binitay noong Nobyembre 24 pa.