Narinig rin ang daing ng tsuper at operator! Fuel subsidy program, pinondohan ng P3 bilyon ng Kongreso

Dinagdagan pa ng Kongreso ng P500 milyon ang panukalang budget para sa fuel subsidy program ng gobyerno para sa 2024 para tulungan pa ang mas maraming tsuper at operator ng pampublikong sasakyan, ayon sa mambabatas.

Inakyat ng Kongreso sa P3 bilyon ang inilaang pondo para sa fuel subsidy program ng gobyerno para sa mga tsuper at operator ng pampublikong sasakyan, ayon kay Senate finance committee chairman Senador Sonny Angara.

Ayon kay Angara, dinagdagan ng Kongreso ng P500 milyon ang budget para sa programa, na unang nilagyan ng pondong nagkakahalaga ng P2.5 bilyon ng Department of Budget and Management sa 2024 National Expenditure Program.

Paliwanag ng mambabatas na ang karagdagang pondo para sa programa ay maituturing na pakikiisa ng gobyerno sa mga tsuper at operator na dumadaing sa taas ng presyo ng gas at krudo.

“[It is] a key intervention of the government to help the operators and drivers cope with the rising prices of fuel,” ani Angara.

“With pump prices going up for 11 straight weeks, the PUV drivers have to bear the additional costs and deal with lower incomes. This could mean more hours on the road and less food on the tables of their families,” dagdag pa ng mambabatas.

Tinatayang makikinabang ang 1.36 milyong tsuper at operator sa panukalang P3 bilyong pondo para sa fuel subsidy program.