Napapanahon nang baguhin ang Saligang Batas! League of Cities, suportado ang isinusulong na Cha-cha

Ang League of Cities of the Philippines ay isang organisasyong binubuo ng mga alkalde ng iba't ibang lungsod sa bansa, at sa kasalukuyan, mayroon itong 149 na miyembro.

Suportado ng League of Cities of the Philippines (LCP) ang pag-amyenda sa Saligang Batas bilang pagsabay na rin sa pagbabago at pag-usad ng panahon.

“Alam niyo ‘yong usapin ng charter change, hindi naman bago ito eh. Panahon pa ni President Fidel Ramos ay pinag-uusapan ang charter change, dahil nakikita natin ang kakulangan, ‘yong mga dapat nating baguhin, dahil sa nagbabago na mga panahon,” paliwanag ni Bacolod City Mayor at LCP national chairperson Alfredo Abelardo Benitez sa isang panayam sa radyo.

Bago pa niyan ay inaprubahan na ng LCP ang isang resolusyon na nagpapahayag ng suporta nito sa panukalang Charter Change, o Cha-cha.

“Resolved, that the LCP supports the initiative to propose amendments to the 1987 Constitution of the Philippines as these will bring the necessary growth and development needed by our economy,” saad ng resolusyon.

Dagdag pa ni Benitez, hindi lamang mga pagbabago sa mga probisyong may kinalaman sa ekonomiya ang sinusuportahan ng grupo kundi pati na rin ang pag-amyenda sa iba pang probisyon.

“Open po siya, hindi lang siya specific sa economic provisions,” aniya. “Alam naman natin na what’s constant is change. ‘Pag hindi po tayo makakapag-adjust sa environment natin, sa nagbabagong-panahon ay baka po maiwan tayo.”