Napapanahon na! Pagsasabatas ng retirement benefits ng OFWs, suportado ng CHR

Nakatakdang suportahan ng Commission on Human Rights ang dalawang house bills na naglalayong bigyan ng mga retirement benefits ang mga OFWs ng bansa.

Suportado ng Commission on Human Rights (CHR) ang panukalang retirement benefits para sa mga overseas Foreign Workers (OFW).

Iyan ang tiniyak ng ahensya, na nagsabing makatutulong ito sa pagpapataas ng antas ng pamumuhay ng mga OFWs, na siya ring makapagpapaganda ng kanilang kinabukasan.

Ang panukalang batas na ito ay ang House Bill (HB) No. 00176 o “Overseas Filipino Workers Retirement System Act” na inakda nina SAGIP Partylist Rep. Rodante D. Marcoleta at Rep. Caroline L. Tanchay.

Ito ay naglalayong ipatupad ang retirement system na nagbibigay ng mga retirement benefits sa mga OFW, pensiyon para sa kanilang dependents (gaya ng anak o asawa), separation benefits, at isang retirement fund na tutustos sa mga panukalang benepisyo.

Sinabi rin ng CHR na ang HB 8574 o “Kabayan OFW Pension Act” ni KABAYAN Partylist Rep. Ron P. Salo ay naglalayon ring magbigay ng iba’t ibang benepisyo sa mga OFW, gaya ng social security at retirement system.

Ayon na rin sa ahensya, ang pagpasa sa dalawang house bills ay napapanahon na at isang patunay na binibigyang-halaga ng pamahalaan ang mga kontribusyon sa bansa ng mga OFW.