Nangatwiran pa! Kapitbahay umamin na sa pagpatay kay Killua

Kusang umamin ang lalaki na si Anthony Solares na siya nga ang pumatay sa golden retriever na si Killua.

Kusang umamin ang lalaki na si Anthony Solares na siya nga ang pumatay sa golden retriever na si Killua.

Sa panayam ng One News kay Anthony, nagpaliwanag ito kung bakit niya nagawang patayin ang aso.

Aniya, ginawa lang niya ang nararapat dahil nangangagat na umano si Killua, na aniya’y tila wala na sa katinuan.

Aniya, may matanda umanong inatake si Killua, at maging siya at kanyang misis ay muntik na rin daw makagat ng aso.

“Hinabol ko yung aso kasi nangagat na. Bali naka-dalawang kagat na siya tapos muntikan pa nga yung asawa ko,” wika ni Anthony.

Aniya, kumuha siya ng bato at kahoy para ipukol sa aso na hinabol niya pa sa highway.

“Wala na akong ibang naisipan kundi anuhin na [patayin] baka makaano pa ng ibang tao,” paliwanag pa ng lalaki.

Samantala, dumepensa naman si Anthony sa alegasyon ng mga netizen na balak niyang katayin ang aso.

Paliwanag niya, hindi raw siya ang naglagay kay Killua sa sako.

“Hindi po. Tinabi ko po muna doon sa may tindahan ko, doon patay na. Tapos umuwi muna ako, nag-cr ako pagbalik ko naka-sako na,” saad ni Solares.

Balak niya raw sana itong i-turnover sa barangay, ngunit hindi na nagawa dahil Linggo ng nangyari ang insidente at walang tao sa barangay.

Samantala, dumulog na sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang amo ni Killua na si Vina Rachelle para makuha ang hustisya para sa kanilang alagang aso.