Nancy Binay bet imbestigahan mga namatay sa gluta drip

Nais ni Senadora Nancy Binay na imbestigahan ang mga pagkamatay na may kinalaman sa paggamit ng glutathione drip.

Inihain ng mambabatas ang Senate Resolution 952 para silipin ang mga gluta-drip related death.

Layunin nito na magkaroon ng malakas na ‘regulatory oversight’ para maiwasan na ang mga kaparehong insidente patungkol sa mga intravenous (IV) drip, na hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).

“It is alarming that despite warnings given by the FDA and the Department of Health that the use of injectable glutathione for beauty enhancement and skin treatment is unsafe and illegal, celebrities and public figures continue to endorse the same,” saad ni Binay.

“It is the duty of the Senate to inquire on the unauthorized use of IV glutathione to ensure the safety and to protect the health of the public by policy or by law,” ani pa ng mambabatas.

Isa sa binigay na halimawa ni Binay ay ang babae na nasawi matapos umanong magpa-gluta drip at stem cell intravenous infusion sa isang clinic sa Quezon City.

Matatandaan naman na naging issue ang pagpapa-IV drip ng misis ni Senador Robin Padilla na si Mariel habang nasa loob ito ng Senate office.

Humingi ng paumanhin si Robin at sinigurong hindi na mauulit ang kaparehong insidente.