Nanay, tatay ni Alice Guo walang birth, marriage certificate!

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, isa-isang tinanong ni committee chair Sen. Risa Hontiveros si Mayor Alice Guo tungkol sa kanyang pagkatao at pamilya.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, isa-isang tinanong ni committee chair Sen. Risa Hontiveros si Mayor Alice Guo tungkol sa kanyang pagkatao at pamilya.

Isiniwalat ni Hontiveros na ang itinuturo ni Mayor Guo na kanyang inang kasambahay na si Amelia Leal ay kasal umano sa ama ng alkalde na si Angelito Guo, batay sa birth certificate nito at ng kanyang dalawang kapatid.

Gayunpaman, walang lumabas na record sa Philippine Statistics Authority (PSA) na marriage certificate nina Angelito at Amelia, pati na ang kanilang birth certificate sa Pilipinas.

Inamin ni Mayor Guo na isang Chinese citizen ang kanyang ama pero nanindigan pa rin na si Amelia ang kanyang ina na hanggang ngayon daw ay hindi pa niya nakikita.

Naglabas din ng dokumento si Hontiveros para patunayang nakasama ni Mayor Guo ang dalawang kapatid sa tatlong beses na biyahe abroad, taliwas sa naunang testimonya na hindi niya alam kung mayroon siyang mga kapatid.

Alinsunod nito, kinwestyon ito agad ng mga senador at iminungkahi rin ni Senador Raffy Tulfo na ipatawag ang isa sa mga nag-issue ng birth record late registration ng alkalde.

Nanindigan naman si Guo na hindi siya nagsisinungaling dahil binigay lang ng kanyang ama ang birth certificate at hindi naman siya ang nag-asikaso nito.