Nananadya talaga! PH Coast Guard, BFAR nanindigan para sa mangingisdang Pinoy na itinataboy ng China mula sa Scarborough Shoal

Nagkasagutan ang China at Pilipinas matapos pigilan ng Chinese Coast Guard na makapasok sa Scarborough Shoal ang mga mangingisdang Pilipino.

Tensiyonado ang naging pagtatagpo ng mga opisyal ng Pilipinas at China nang magkaharap ito sa timog-silangang bahagi ng Bajo de Masinloc, o mas kilala bilang Scarborough Shoal.

Ayon sa ulat ng 24 Oras ng GMA Network, nasa isang operasyon ang Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), kasama ang mangilan-ngilan na mangingisdang Pilipino nag harangin sila umano ng Chinese Coast Guard (CCG) at pinigilan makapasok sa silangang bahagi ng Scarborough Shoal.

Nakuhanan pa diumano ng BFAR ang naging maanghang na palitan ng CCG at mga Pilipino.

“Your activity is seriously in breach of all the maritime rights of China. You must stop your activity and leave this sea area immediately,” babala ng CCG sa mga Pilipino sa isang radio communication, batay na rin sa nasabing ulat

“You do not interfere with our activities here inside the Philippine waters. You are inside the exclusive economic zone of the Republic of the Philippines,” tugon naman ng BFAR.

Ang naturang engkwentro ay kasunod nang pagkakadiskubre ng PCG na naglagay diumano ang CCG ng floating barrier sa nasabing lugar.