Nakuha pang magpanggap na NBI agent! Lalaking hinihinalang sangkot sa kidnapping, patay sa shootout

Na-recover mula sa sasakyan ng suspek ang mga pekeng ID ng NBI, mga warrant of arrest, apat na armas, at plate number na nag-uugnay sa kaniya sa isang kaso ng kidnapping.

Patay sa shootout ang isang lalaking nagpanggap diumano na ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang operasyon nitong Linggo, Disyembre 24, sa Zambales na ikinasa ng mga tunay na ahente ng ahensiya.

Ang suspek, na kinilalang si Bryce Movilla, ay sangkot rin diumano sa pag-kidnap sa isang Vietnamese national.

Ayon kay NBI Anti-Organized and Transnational Crime Division chief Jerome Bomediano, sinusundan ng mga ahente ng NBI si Movilla na nakasakay sa isang Nissan Navarra sa Sta. Cruz, Zambales. Nang pahintuhin at hingan ng ID ang lalaki, dito na ito nagpaputok.

“Inovertake-an natin ‘yung sasakyan, nagbukas ng bintana, nagpakita tayo ng ID. Biglang pinutukan na lang niya ang mga operatiba natin,” kwento ni Bomediano.

Naharangan ng mga ahente ng NBI ang pickup ni Movilla, at dito na nagsimulang magpalitan ng putok ang salarin at mga pulis. Dead on the spot ang suspek.

Na-recover mula sa sasakyan ni Movilla ang mga pekeng ID ng NBI, mga warrant of arrest, at apat na armas—isang .45-kalibreng baril, isang shotgun, at dalawang .40-kalibreng baril. Nakuha rin sa kanya ang plate number na nag-uugnay sa kaniya sa kidnapping.