Nakita niyo ba siya? Korte, pina-aaresto si Arnie Teves, 3 pang iba sa pagpatay kay Gov. Degamo

Pina-aaresto ng korte ang sinibak na congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr. at tatlo pang iba na sangkot sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo

Nagpalabas ng warrant of arrest ang Manila Regional Trial Court laban sa pinatalsik na mambabatas na si dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. at tatlo pang indibidwal para sa pagpatay kay Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa.

“After a personal evaluation of the amended information, the court finds probable cause for the issuance of a warrant of arrest,” ayon sa desisyon ng korte noong Martes, Setyembre 5.

Itinakda ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 51 Judge Merianthe Pacita M. Zuraek ang arraignment ng mga akusado sa Oktubre 4. Kasong murder, frustrated murder, at attempted murder ang isinampa laban kina Teves at apat pa niyang kasamahan noong Agosto 18.

Ayon sa korte, kilala si Teves sa mga alyas at tawag na Arnie, Big Boss, Big Boss Idol, Idol and Kalbo. Kabilang sa pina-aresto ng korte sina Angelo Palagtiw, isang kapatid diumano ni Palagtiw na si Jie Ann/Gie Ann, at piloto ng helicopter na si Capt. Lloyd Garcia II.

Isa sa mga nasa arrest warrant, si Nigel Electona, ay nasa kustodiya na ng mga pulis, at nakakulong na sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Ang mga limang pina-aaresto ng korte ay sasama sa 11 na nakusadong nabasahan na ng sakdal. Ito at sina Winrich Isturis, Joric Labrador, Benjie Rodriguez, Eulogio and John Louie Gonyong, Joven Javier, Dahniel Lora, Romel Pattaguan, Jhudiel Rivero, Rogelio Antipolo Jr. at Marvin Miranda.

Hinaharap nila ang kasong murder, frustrated murder, at attempted murder sa pagsalakay sa bahay ni Degamo noong Marso habang namamahagi ng ayuda ang gobernador.

Nangyari ang atake isang buwan matapos pagtibayin ng Korte Suprema ang panalo ni Degamo bilang gobernador ng lalawigan laban sa kapatid ni Teves na si Pryde Henry Teves.