Nakawan sa isang pampublikong paaralan sa Libon, huling huli ng CCTV

Nakita sa bidyo kung paano tinangay ng suspek ang mahahalagang kagamitan ng isang bagong guro sa paaralan.

ALBAY – Pansamantalang ikinandado ang gate ng Marayag Elementary School sa Barangay Marayag sa bayan ng Libon kasunod ng insidente ng pagnanakaw nitong Myerkules, Oktubre 11.

Isang laptop, wallet at mga importanteng ID ang natangay ng suspek sa bagong student teacher ng paaralan na noo’y naka-lunch break lamang.

Ang pagnanakaw, nasapul din sa CCTV maging ang pagtakas ng suspek.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), ilang oras bago nai-report sa kanila ang insidente kaya nahirapan na silang matugis pa ang salarin subalit sa inisyal na imbestigasyon napag-alamang hindi residente ng bayan ang suspek.

Nagpapatuloy pa ang pagkalap ng ebidensya ng PNP upang mapanagot ang suspek.